Dalawang Iranian national, arestado matapos mambiktima ng tindero sa Caloocan
Jan-rey Asotes January 27, 2026 at 12:48 AM
LUNGSOD NG CALOOCAN — Nauwi sa pagkakakulong ang tangka ng dalawang Iranian national na pagnakawan ang isang tindero ng isda at gulay matapos ang mabilis na follow-up operation ng pulisya ng lungsod noong Sabado, Enero 24.
Rumesponde ang pulisya sa ulat ng pagnanakaw dakong alas-5:30 ng hapon sa Reparo Road, Barangay 161. Batay sa imbestigasyon, nilapitan ng isang suspek ang 35-anyos na biktima at kinausap tungkol sa pera ng Pilipinas. Matapos ipakita ng tindero ang kaniyang pera, kinuha umano ng suspek ang bag nito at binawasan ang laman.
Nang mapansin ng biktima na nawawala ang ₱7,000, agad niyang hinabol ang suspek at humingi ng tulong sa barangay tanod. Bagaman nakatakas ang dayuhan gamit ang isang naghihintay na sasakyan, mabilis na naireport ang insidente sa Sta. Quiteria Police Sub-Station.
Naabutan ng pulisya ang mga suspek sa area ng Baesa kung saan kinilala ang isang 50-anyos na Iranian bilang kumuha ng pera, habang ang isang 25-anyos na Iranian naman ang nagsilbing driver ng getaway vehicle. Narekober mula sa kanila ang iba’t ibang lokal at dayuhang salapi gayundin ang sasakyang ginamit sa pagtakas. Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng mga otoridad ang mga dayuhan habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanila.
📷 Philippine National Police FB