Mayor Villanueva nanawagan ng pag-iingat sa Fire Prevention Month
Paulo Gaborni March 23, 2026 at 06:09 PM
BOCAUE, Bulacan — Kasabay ng pagdiriwang ng Fire Prevention Month ngayong Marso, nanawagan si Bocaue Mayor Eduardo “Jonjon” Villanueva Jr. sa mga residente na maging mas maingat laban sa mapaminsalang sunog, lalo na ngayong panahon ng tag-init kung kailan mas mataas ang posibilidad ng insidente.
Binibigyang-diin ng alkalde ang kahalagahan ng sama-samang pag-iingat para maprotektahan ang mga ari-arian at buhay ng bawat isa.
Sa kanyang pahayag, ipinaalala ni Mayor Villanueva ang mga praktikal na hakbang at responsibilidad ng bawat mamamayan.
“Fire prevention month po ngayong Marso. Panahon na naman ng tag-init, at kasabay nito ang mas mataas na panganib ng sunog. Kaya’t paalala po sa ating lahat na doblehin ang pag-iingat para maprotektahan ang ating mga tahanan, ari-arian, at higit sa lahat—ang buhay ng bawat isa,” aniya.
“Siguraduhin po nating ligtas ang mga kable, iwasan ang overloading ng kuryente, at maging maingat sa paggamit ng apoy. Ang pag-iingat ay pananagutan nating lahat,” dagdag pa niya.
Ang mensaheng ito ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng Pamahalaang Bayan ng Bocaue para palakasin ang kamalayan sa kaligtasan laban sa sunog. Sa oras ng sunog o emergency, maaaring tumawag sa Bocaue Fire Station sa mga numerong ito: 0936-226-1093 0947-732-5198
📷 Mayor Jonjon Villanueva FB