Mga atletang Bocaueño, nagningning sa CLRAA 2026
Angelo Calixtro April 9, 2026 at 08:00 PM
BOCAUE, Bulacan — Ipinahayag ng Pamahalaang Bayan ng Bocaue ang kanilang pagbati at pagkilala sa mga atletang Bocaueño na nagkamit ng iba’t ibang medalya sa Central Luzon Regional Athletic Association Meet 2026.
Pinangunahan ni Mayor Jonjon Villanueva ang pagbibigay-pugay sa mga manlalaro, na aniya’y nagpakita ng kahusayan, determinasyon, at matinding pagsisikap sa kanilang mga laban.
Binigyang-diin din na ang tagumpay ng mga atleta ay hindi lamang personal na panalo kundi karangalan para sa buong bayan ng Bocaue.
“Ang inyong tagumpay ay patunay ng inyong sipag, tiyaga, at dedikasyon. Sa bawat medalya na inyong naiuwi, binibigyan ninyo ng karangalan ang ating bayan. Kayo ang inspirasyon ng bawat kabataan na patuloy na nangangarap at nagsusumikap,” ayon sa alkalde.
Kinilala rin ng lokal na pamahalaan ang mahalagang kontribusyon ng mga paaralan, coaches, trainers, at mga magulang na nagsilbing gabay at suporta ng mga atleta sa kanilang paghahanda at kompetisyon.
Hinikayat din ng pamahalaang bayan na ipagpatuloy ng mga kabataan ang kanilang pagpupursige sa mga susunod pang paligsahan.
📷 Mayor Jonjon JJV Villanueva FB