Top 1 Most Wanted Person arestado; Bagong motorsiklo, patrol vehicle at body camera para sa mga pulis at traffic enforcer
Reggie Vizmanos February 12, 2024 at 10:45 PM📷: Caloocan PS React FB, Along Malapitan FB
Naaresto ng Caloocan City Police Station (CCPS) ang Top 1 Most Wanted Person (District level) na halos isang taon nang pinaghahanap ng batas dahil sa kasong murder at frustrated murder.
Ang suspek ay inisyuhan ng warrant of arrest ng Regional Trial Court (RTC) ng Caloocan city noong May 30, 2023.
Nahuli siya ng mga operatiba ng Bagong Barrio Police Sub-Station sa pamumuno ni PCapt. Paul Norman Larugal at ng Investigation and Detective Management Section – Warrant and Subpoena Section (IDMS-WSS) na pinamumunuan ni PCMS Wilfredo Muyon.
Samantala, binigyan ng lokal na pamahalaan ang CCPS at ang Public Safety and Traffic Management Department (PSTMD) ng mga bagong kagamitan para sa kanilang pagsugpo sa krimen at pangangasiwa ng trapiko at kaayusan sa lungsod.
Binubuo ito ng 30 bagong motorcycle units, walong mobile patrol vehicles at 80 body cameras.
Matapos itong bendisyunan ay ipinagkaloob na ito sa kanila ni Mayor Along Malapitan, na nagsabing, “Malaki ang maitutulong nito sa pagpapatrolya, mga operasyon, at sa agarang pagtugon sa pangangailangan ng mga Batang Kankaloo.”
Tinanggap ito ni CCPS Assistant Chief of Police for Operation (ACOPO) PMaj. Rengie Deimos na nagpasalamat sa aniya’y tuloy-tuloy na pagsuporta ng lokal na pamahalaan sa pulisya.