₱150-M halaga ng smuggled cigarettes nasabat sa Bulacan; 19 katao arestado
Angelo Calixtro April 16, 2026 at 07:16 PM
BALIWAG, Bulacan — Nasa 19 katao ang naaresto matapos madiskubre ng mga awtoridad ang umano’y malawakang operasyon ng smuggled cigarettes na nagkakahalaga ng mahigit ₱150 milyon sa Brgy. Tarcan nitong Abril 14.
Sa ulat ng Philippine National Police, naaktuhan ng mga operatiba ang paglilipat ng libo-libong kahon ng sigarilyo mula sa container vans papunta sa mas maliliit na trak na gagamitin sana sa distribusyon. Tinatayang mahigit 2,000 kahon ang nasamsam sa isinagawang operasyon.
Lumalabas sa imbestigasyon na walang kaukulang tax stamps mula sa Bureau of Internal Revenue ang mga nasabing produkto—isang malinaw na indikasyon ng iligal na pagpasok at pagbebenta nito sa merkado.
Nasabat din ng pulisya ang anim na sasakyan na pinaniniwalaang ginagamit sa transportasyon ng kontrabando.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang mga suspek at ebidensya habang isinasagawa ang mas malalim na imbestigasyon upang matunton ang iba pang sangkot sa operasyon.
📷 Bulacan Police Provincial Office