Valenzuela City at MSF nagkasundo para palakasin ang serbisyong pangkalusugan
Angelo Calixtro April 7, 2026 at 07:51 PM
VALENZUELA — Pormal nang nilagdaan ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela at Médecins Sans Frontières (MSF) – Philippines Branch ang isang Memorandum of Agreement noong ika-6 ng Abril para higit pang mapalakas ang serbisyong pangkalusugan sa lungsod.
Pinangunahan ang ceremonial signing nina Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian at MSF Philippines Project Coordinator na si Rebecca Katie Welfare, sa Alvarez Park Cafe sa Barangay Tagalag.
Layunin ng kasunduan na patatagin ang kapasidad ng lungsod sa pagtugon sa mga sakit na sensitibo sa klima at pagbutihin ang emergency preparedness at response systems. Target din nitong mapababa ang bilang ng pagkakasakit at pagkamatay sa mga high-risk urban populations sa pamamagitan ng mas pinaigting na disease surveillance, maayos na case management, at community-based health interventions.
Nakabatay ang kolaborasyon sa apat na pangunahing larangan: emergency health services, antimicrobial resistance (AMR), tropical diseases, at research and development. Ayon sa mga opisyal, hindi lamang ito tungkol sa karagdagang resources kundi pati sa pagpapalitan ng kaalaman at paggamit ng international best practices upang mas mapatatag ang sistemang pangkalusugan ng lungsod.
Sa kabuuan, inaasahang magsisilbing matibay na pundasyon ang MOA para sa mas coordinated na aksyon ng lokal na pamahalaan at MSF tungo sa isang mas responsive, resilient, at inclusive na serbisyong pangkalusugan para sa bawat Valenzuelano.
📷 Valenzuela City FB