Task force ng Caloocan, naglatag ng hakbang para sa pagtitipid ng enerhiya at krudo
Angelo Calixtro April 7, 2026 at 07:53 PM
CALOOCAN CITY — Nagpulong ang binuong task force ng pamahalaang lungsod ng Caloocan upang talakayin ang mga konkretong hakbang para sa mas episyenteng paggamit ng enerhiya at krudo bilang tugon sa pandaigdigang krisis sa suplay at presyo ng langis.
Sa pulong, inisa-isa ang estado ng pamamahagi ng fuel subsidy para sa mga miyembro ng transportation sector, pati na ang pagpapatupad ng mga programang libreng sakay para sa mamamayan at ang mga oportunidad para sa mga Tricycle Operators and Drivers Association (TODA).
Kabilang sa mga tinalakay na hakbang ang mas mahigpit na pagbabantay sa presyo ng mga bilihin sa mga pamilihan at gasolinahan, pati ang posibleng pagbawi ng business permits at pagsasampa ng kaso laban sa mga kumpanyang mapapatunayang sangkot sa fuel hoarding.
Napag-usapan din ang pagsasagawa ng foot patrol ng mga kawani mula sa maliliit na barangay upang palakasin ang monitoring sa komunidad, at ang paglalagay ng solar panels sa mga health center bilang bahagi ng pagtitipid sa enerhiya.
Iminungkahi rin ang pagpapalawak ng libreng sakay na pangungunahan ng Public Safety and Traffic Management Department (PSTMD), kabilang ang rumurondang biyahe sa umaga at gabi. Bukod sa mga TODA, plano ring makipag-ugnayan sa mga Public Utility Jeepneys (PUJs) upang mas mapalawak ang saklaw ng serbisyo.
Kasama rin sa mga hakbang ang patuloy na pagpapatupad ng “No Aircon Friday” sa mga tanggapan ng lokal na pamahalaan upang mabawasan ang konsumo sa kuryente.
Ayon sa mga opisyal, ang mga panukalang ito ay patuloy pang pag-aaralan upang makapaglatag ng agarang solusyon at maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng langis at pangunahing bilihin sa mga residente ng lungsod.
📷 Along Malapitan FB