Mayor Isko, nagpatupad ng Fuel Conservation measures sa Maynila; graduation sa public schools, pinasimple
Angelo Calixtro March 3, 2026 at 06:54 PM
Bilang paghahanda sa posibleng epekto ng pandaigdigang oil crisis, naglabas ng direktiba si Francisco “Isko” Moreno Domagoso na nag-uutos sa lahat ng pinuno ng mga ahensiya ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila na higpitan at bawasan ang paggamit ng mga produktong petrolyo sa kanilang mga operasyon.
Sa isinagawang 31st City Government Directional Meeting, ipinag-utos ng alkalde ang mahigpit na pagpapatupad ng Executive Order No. 7 na naglalaman ng fuel conservation measures. Inatasan din ang mga opisyal na agad ipaalam sa 896 barangay sa lungsod ang naturang kautusan upang matiyak ang maagap na pagsunod ng bawat tanggapan.
Ayon kay Moreno, layunin ng hakbang na maprotektahan ang pondo ng lungsod laban sa posibleng pagtaas ng presyo ng langis at masiguro ang tuloy-tuloy na paghahatid ng mahahalagang serbisyo publiko sa mga Manileño. Kabilang sa mga tututukan ang paggamit ng mga sasakyang pag-aari ng lungsod at iba pang kagamitang gumagamit ng petrolyo.
Samantala, pinayuhan din ng alkalde si Schools Division Office Superintendent Sheryll Gayola na gawing simple at praktikal ang mga graduation ceremony sa mga pampublikong paaralan. Aniya, dapat iwasan ang labis na gastusin upang hindi na madagdagan ang pinansyal na pasanin ng mga magulang at upang makatipid ang bawat pamilya.
Tiniyak ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila na patuloy itong magpapatupad ng mga hakbang upang mapanatili ang maayos at episyenteng paggamit ng pondo sa gitna ng hindi tiyak na sitwasyong pandaigdig.
📷 Manila City Information Office