Mayor Isko Moreno nagpasalamat kay Pangulong Marcos sa ₱5,000 ayuda para sa transport sector
Angelo Calixtro March 17, 2026 at 07:35 PM
Maynila — Nagpahayag ng pasasalamat si Mayor Isko Moreno Domagoso kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos simulan ng pambansang pamahalaan ang pamamahagi ng ₱5,000 cash aid para sa mga tricycle driver sa Metro Manila ngayong Martes, Marso 17.
Isinagawa ang distribusyon sa ASAC Covered Court, isa sa mga itinakdang payout sites sa National Capital Region. Ayon kay Domagoso, malaking tulong ang nasabing ayuda upang maibsan ang pasanin ng mga tsuper na apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
“Napakalaking bagay nito para sa ating mga driver, maibsan itong hinaharap nilang suliranin dahil sa presyo ng gas,” ani Domagoso.
Dagdag pa niya, taos-puso ang pasasalamat ng lungsod ng Maynila sa suporta ng pambansang pamahalaan.
Ang pamamahagi ng ayuda ay kasunod ng anunsyo ni Pangulong Marcos ng mga hakbang upang mapagaan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis dahil sa tensyon sa Gitnang Silangan.
Sa ilalim ng programa, target ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mabigyan ng ₱5,000 cash assistance ang humigit-kumulang 139,000 tricycle driver sa 17 lokal na pamahalaan sa Metro Manila simula Marso 17.
Ayon pa sa Pangulo, palalawigin din ang kaparehong tulong sa mga tricycle driver sa labas ng Metro Manila. Samantala, inaasahan ding makakatanggap ng tulong pinansyal ang mga jeepney driver at transport network vehicle service (TNVS) drivers sa mga susunod na araw.
Bukod sa cash aid, inihahanda rin ng pamahalaan ang fuel subsidies para sa mga transport worker, gayundin ang karagdagang tulong para sa mga magsasaka at mangingisda na apektado ng tumataas na presyo ng produktong petrolyo.
📷 Manila Public Information Office FB