Mga kasambahay sa CSJDM, binigyang-pugay sa Araw ng Kasambahay 2026
Angelo Calixtro February 19, 2026 at 08:46 PM
SAN JOSE DEL MONTE, Bulacan — Binigyang-pugay ng Pamahalaang Lungsod ang mga kasambahay na San Joseño sa isinagawang Araw ng Kasambahay 2026 na pinangasiwaan ng Public Employment Service Office (PESO) noong Miyerkules, Pebrero 18.
Tampok sa aktibidad ang libreng serbisyo sa ilalim ng programang “Alagang Kay Ganda” kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang mga kasambahay na magpa-haircut, hair color, at hair treatment.
Nag-alok din ng iba’t ibang serbisyong panlipunan ang mga tanggapan ng lokal at nasyunal na pamahalaan bilang bahagi ng selebrasyon.
Dinaluhan ang programa ng mga opisyal mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) kabilang sina Central Luzon Regional Director Geraldine Panlilio at Bulacan Labor and Employment Chief Jose Roberto Navata.
Nakiisa rin si Benedict Pangan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) – CSJDM, Office of the City Mayor Chief-of-Staff Juan Miguel Perez, at SP Committee on Labor and Employment Chairman Oliver Robes, kasama ang mga kinatawan ng iba’t ibang barangay sa lungsod.
Layunin ng programa na mabigyan ng pagkakataon ang mga kasambahay na makapagpahinga at maramdaman ang pagpapahalaga sa kanilang mahalagang papel sa bawat pamilyang San Joseño.
📷 City of San Jose del Monte Public Information Office FB