Panayam sa mga kabataan ng Bocaue isinagawa para sa mas ligtas na kinabukasan
Angelo Calixtro March 6, 2026 at 05:55 PM
BOCAUE, Bulacan — Isinagawa ang panayam para sa kabataan na pinamagatang “TUNGO sa Magandang Kinabukasan”sa Illuminada Roxas Mendoza Memorial High School noong Pebrero 24 at sa Taal National High School noong Pebrero 27 bilang bahagi ng programa para sa kabataan na isinusulong ni Mayor Jonjon Villanueva.
Layunin ng nasabing programa na mabigyan ng sapat na kaalaman at gabay ang mga mag-aaral hinggil sa mga mahahalagang usaping pangkalusugan at panlipunan na kinahaharap ng kabataan sa kasalukuyan.
Kabilang sa mga paksang tinalakay sa panayam ang Early Pregnancy Awareness, HIV Awareness, Dengue Prevention, Drug Abuse Prevention, at Gang Awareness. Sa pamamagitan ng mga diskusyon, ipinaliwanag sa mga mag-aaral ang mga panganib at epekto ng mga isyung ito, pati na rin ang mga paraan upang maiwasan ang mga ito.
Ayon sa mga tagapag-organisa, mahalagang maipabatid sa kabataan ang tamang impormasyon upang maiwasan ang maagang pagbubuntis, maprotektahan ang sarili laban sa HIV at dengue, makaiwas sa paggamit ng ilegal na droga, at hindi mapabilang sa mga gang.
Binigyang-diin din sa programa ang kahalagahan ng responsableng pagpapasya at ang papel ng edukasyon sa paghubog ng kinabukasan ng mga kabataan.
Sa pamamagitan ng patuloy na edukasyon at paggabay mula sa pamahalaang lokal at mga paaralan, layunin ng programa na makapagtaguyod ng isang henerasyon ng mga kabataang Bocaueño na may malasakit, disiplina, at pananagutan—tungo sa isang mas ligtas at mas maayos na kinabukasan.
📷 Mayor Jonjon JJV VIllanueva