Price monitoring sa Marilao, pinaigting sa gitna ng pandaigdigang isyu sa langis
Angelo Calixtro March 17, 2026 at 07:28 PM
Marilao, Bulacan — Pinaigting ng Pamahalaang Bayan ng Marilao ang kanilang price monitoring at supply assessment sa mga pampubliko at pribadong pamilihan at grocery store nitong Marso 16, kasunod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado dulot ng kaguluhan sa Iran at mga karatig bansa.
Batay sa mga ulat, patuloy ang pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan dahil sa tensyon sa Gitnang Silangan, partikular sa Iran, na nagdudulot ng pagkaantala sa suplay ng langis at pagtaas ng presyo nito.
Kamakailan lamang, umabot sa higit $100 kada bariles ang presyo ng langis dahil sa mga pag-atake at pagsasara ng mahahalagang rutang dinaraanan ng suplay tulad ng Strait of Hormuz.
Dahil dito, inaasahang may domino effect ito sa presyo ng produktong petrolyo at mga pangunahing bilihin sa bansa, kabilang ang mga lokal na pamilihan sa Marilao.
Layunin ng pinaigting na monitoring na matiyak ang sapat na suplay at makatarungang presyo ng mga bilihin alinsunod sa Republic Act No. 7581 o The Price Act, na nagbabawal sa overpricing, hoarding, at profiteering lalo na sa panahon ng krisis.
Pinangunahan ang inspeksyon ng mga kinatawan mula sa Marilao Business Permits and Licensing Office bilang bahagi ng inisyatiba ng Local Price Coordinating Council (LPCC).
Ayon sa lokal na pamahalaan, magpapatuloy ang regular na monitoring hanggang sa ma-inspeksyon ang lahat ng pamilihan at establisimyento sa munisipalidad upang maiwasan ang anumang uri ng pananamantala sa presyo ng mga bilihin.
Hinimok din ang publiko na maging mapagmatyag at agad iulat sa mga kinauukulan ang anumang paglabag upang maprotektahan ang kapakanan ng mga mamimili sa gitna ng umiiral na krisis sa suplay ng langis.
📷 MarileNews