Siyam na drug suspect, arestado sa Bulacan; ₱95K halaga ng shabu, nasamsam
Arkipelago News January 23, 2026 at 10:49 PM
CAMP GEN. ALEJO S. SANTOS — Matagumpay na naaresto ng mga operatiba ng Bulacan Police Provincial Office (PPO) ang siyam na indibidwal sa isinagawang magkakahiwalay na buy-bust operation noong Huwebes, Enero 22.
Sa ulat ni PLt. Col. Jayson San Pedro, hepe ng Baliwag City Police Station (CPS), isang suspek ang naaresto sa Barangay Poblacion dakong 9:45 ng gabi. Nakumpiska mula sa suspek ang tatlong plastic sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na ₱34,000 at ang ginamit na buy-bust money.
Sa katulad na operasyon sa mga bayan ng Malolos, Angat, Plaridel, at Paombong, walo pang indibidwal ang naaresto ng kani-kanilang Station Drug Enforcement Unit (SDEU). Nasamsam sa mga operasyong ito ang 17 sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱61,064.
Sa kabuuan, umaabot sa 20 sachet ng ilegal na droga na may kabuuang halaga na ₱95,064 ang narekober ng pulisya sa loob ng isang araw na operasyon.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang himpilan ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
📷 Bulacan Police Provincial Office FB