60 nakapiit sa Caloocan City Jail graduate na sa ALS
Reggie Vizmanos August 16, 2023 at 07:58 PM
Ipinagmalaki ng lokal na pamahalaan ng Caloocan ang pagtatapos kamakailan sa Alternative Learning System (ALS) ng 60 persons deprived of liberty (PDL) na nasa Caloocan City Jail.
Ayon kay Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan, “Malugod ko pong binabati ang mga PDLs natin sa city jail na nagsipagtapos kamakailan sa ALS program ng ating lungsod. Isang magandang hakbang ito para sa pagsisimula ng bagong kabanata sa inyong buhay.”
Bukod aniya sa pagiging oportunidad para makakumpleto pa rin ng pag-aaral ang mga hindi nakapagtapos ng edukasyon, ang ALS ay nagsisilbi ring bahagi ng kanilang Good Conduct Time Allowance (GCTA) upang mas mapabilis ang kanilang paglabas sa piitan at ang kanilang magiging pagbabagong-buhay at reintegrasyon sa lipunan.
Dagdag pa ni Malapitan, “Maraming salamat po sa ating jail warden at iba pang jail officials sa pagsiguro na naipapatupad ang mga programang naglalayon na bigyan ng mas malawak na oportunidad ang ating mga PDLs.”
“Ang Lungsod ng Caloocan po ay nananatiling nakatutok sa layunin nitong gawing ligtas ang ating mga mamamayan laban sa krimen, ngunit naniniwala rin ang ating pamahalaang lungsod na may mga taong kayang baguhin ang kanilang sarili kung mabibigyan ng tamang gabay at pagkakataon,” sabi pa ni Mayor Malapitan.
Photo: Caloocan City PIO