14 milyon pisong tulong para sa pabahay, ipinagkaloob sa isang komunidad sa Valenzuela
Jan-rey Asotes January 14, 2026 at 02:15 PM
LUNGSOD NG VALENZUELA — Nakatanggap ng housing assistance, na nagkakahalaga ng mahigit P14 milyon, ang isang komunidad sa lungsod noong Enero 9. Ang nasabing pondo ay ipinagkaloob ng Social Housing Finance Corporation (SHFC) at ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).
Pinangunahan nina DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, SHFC President Federico Laxa, at Mayor Wes Gatchalian ang awarding ceremony para sa Wawang Pulo Homeowners’ Association, Inc. Phase 1 sa Barangay Wawang Pulo. Ang pondong ito ay gagamitin para sa land acquisition at pagproseso ng mga dokumento sa ilalim ng Enhanced Community Mortgage Program (ECMP) ng SHFC.
Ayon kay Secretary Aliling, ang hakbang na ito ay bahagi ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program upang masiguro na ang bawat pamilyang Pilipino ay magkaroon ng ligtas at abot-kayang tahanan. Nagpahayag naman ng buong suporta si Mayor Gatchalian sa mga ganitong programa na naglalayong bigyan ng seguridad sa paninirahan ang mga residente ng lungsod.
📷 Department of Human Settlements and Urban Development