| Contact Us

Tulong pangkabuhayan at bakuna itinaguyod ng Caloocan LGU

Reggie Vizmanos April 15, 2024 at 03:25 PM

Umabot sa 26 na residente ng Caloocan ang nakatanggap ng kabuhayan package o panimulang negosyo mula sa Caloocan City Public Employment Service Office (PESO), tanggapan ni Senator Loren Legarda, at Department of Labor and Employment (DOLE).

Ang naturang mga kabuhayan package ay binubuo ng bigasan, ihaw-ihaw, at sewing machines.

Ayon sa lokal na pamahalaan, karamihan sa tumanggap ng kabuhayan package ay solo parents, senior citizens, at persons with disability (PWD).

Hinimok nito ang mga benepisyaryo na magpursiging palaguin ang kanilang mga natanggap na negosyo.

Samantala, tuloy-tuloy ang isinasagawang libreng pagbabakuna sa lungsod laban sa mga sakit
sa pangunguna ng City Health Department (CHD).

Mula Abril 15 hanggang Mayo 15 ay mayroong libreng pagbabakuna laban sa polio para sa mga residente.

Binigyang-diin ng LGU na ang polio ay isang karamdaman na madalas nakukuha ng mga bagong panganak hanggang 59 buwang gulang na bata. Maaari umano itong magdulot ng mga komplikasyon, panghabang-buhay na kapansanan o kamatayan.

Kaugnay nito, sinabi ng LGU na magsasagawa ng malawakang pagbabakuna sa lungsod na pangungunahan ng mga health workers na magbabahay-bahay upang magbakuna, at mayroon ding itatakdang immunization sites sa iba-ibang lugar sa lungsod.

Ang mga batang nasa 0 hanggang 23 buwang gulang ay makakatanggap ng tatlong dose ng bivalent oral polio vaccine (bOPV) at dalawang dose ng inactivated polio vaccine (IPV).

Ang mga batang nasa 24 hanggang 59 na buwang gulang naman ay makakatanggap ng isang dose ng bOPV.

Tuloy-tuloy pa rin sa mga itinakdang lugar at petsa hanggang Mayo 16 ang bakunahan kontra Human Papilloma Virus (HPV) para sa mga kababaihan edad siyam hanggang 14 na taong gulang.

Karaniwan umano na nasa P4,000 hanggang P8,000 ang halaga ng bakunang ito sa mga pribadong klinika, kaya makabubuting samantalahin ang libreng pagbabakuna nito na handog ng LGU upang maiiwas sa mga sakit tulad ng cervical cancer ang mga kabataan.

At dahil menor-de-edad ang target na populasyon para sa bakunang ito ay kinakailangan ng parental consent bago sila mabakunahan.

Hinikayat ng lokal na pamahalaan ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak para sa kanilang angkop na proteksyon laban sa mga karamdaman.

Una na ring naglunsad ng malawakang pagbabakuna sa lungsod laban sa pertussis o tuspirina at iba pang mga sakit.

Nagsagawa rin ng libreng anti-rabies vaccination para sa mga alagang aso at pusa.

📷 Along Malapitan FB

Array
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 19 Last