Pasig LGU naglunsad ng bagong ruta ng libreng sakay para sa mga commuter
Angelo Calixtro April 6, 2026 at 07:16 PM
PASIG CITY — Magkakaroon ng mas maayos at abot-kayang biyahe ang mga residente ng lungsod matapos ipatupad ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ang mga bagong ruta ng Libreng Sakay program simula Lunes, Abril 6, 2026.
Apat na ruta ang magiging operational tuwing Lunes hanggang Biyernes, maliban kung holiday, upang mas mapalawak ang saklaw ng libreng transportasyon para sa mga Pasigueño.
Kabilang sa mga rutang ito ang biyahe mula SPED sa Caruncho Avenue patungong Temporary Pasig City Hall na ipatutupad bilang point-to-point, kung saan isang sakayan at babaan lamang ang susundin.
Samantala, ang tatlo pang ruta ay daraan sa iba’t ibang bahagi ng lungsod tulad ng Ligaya sa Santolan, One San Miguel Avenue sa San Antonio, at Nagpayong sa Pinagbuhatan.
Magkakaroon ng mga itinalagang pick-up at drop-off points sa kahabaan ng mga rutang ito upang mas maraming commuter ang mapagsilbihan.
Layunin ng programa na matulungan ang mga pasaherong nahihirapan sa pagsakay sa mga pampublikong sasakyan, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Patuloy na hinihikayat ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ang publiko na samantalahin ang Libreng Sakay bilang alternatibong transportasyon na makatutulong sa pagtitipid at mas maginhawang pagbiyahe araw-araw.
📷 Pasig LGU FB