Anti-Political Dynasty Bill, tinalakay sa Central Luzon consultation
Angelo Calixtro February 17, 2026 at 09:50 PM
MARILAO, Bulacan — Isinagawa ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation ang isang public consultation kaugnay ng panukalang Anti-Political Dynasty o “Kontra Dinastiya” Bill noong Pebrero 16 sa Diamond Hall ng Municipal Annex Building sa Marilao.
Pinangunahan ni Senator Risa Hontiveros ang sesyon bilang bahagi ng serye ng konsultasyon sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.
Layunin nitong tipunin ang mga pananaw at mungkahi mula sa mga kinatawan ng lokal na pamahalaan, eksperto, civil society groups, simbahan, at kabataan bago ang pinal na pagbalangkas ng panukala.
Ayon kay Hontiveros, lahat ng mga konsultasyon na kanilang ginagawa ay pagsasama-samahin para sa kanilang committee report.
“Yes, in fact, after each consultation, ini-input ng committee secretariat at saka ng legis ko ‘yung mga very rich points na nakukuha namin so far sa Pasig, sa Calamba, sa Bacolod, at ngayong araw dito sa Marilao (the committee secretariat and my legislative staff input the very rich points we’ve gathered so far from Pasig, Calamba, Bacolod, and today here in Marilao),” ani Hontiveros sa panayam ng Philippine News Agency.
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin naman ni Marilao Mayor Jem Sy na ang usapin ng political dynasty ay hindi lamang simpleng debate tungkol sa magkakaparehong apelyido sa politika, kundi mas malalim na tanong hinggil sa estruktura at integridad ng demokrasya.
“Sana matuloy ito at maipasa finally. But I hope in the future, sana lang tungkol sa pami-pamilya isama na rin ang qualifications ng candidates, length of service sa government, at sa mga re-electionist naman,” ayon sa alkalde.
Dumalo rin sa konsultasyon si Bulacan Vice Governor Alex Castro na nagpahayag ng suporta sa pagsusulong ng reporma sa sistema ng politika.
“Kung nais po natin ng pagbabago, dapat magsimula ito sa atin mismo,” aniya.
Nagpasalamat naman si Mayor Sy sa Senado sa pagdadala ng diskusyon sa Central Luzon at hinikayat ang pagpapatuloy ng bukas at makabuluhang pag-uusap hinggil sa panukala.
Giit niya, ang serbisyo publiko ay hindi pribilehiyong minamana kundi tiwalang ipinagkakaloob ng mamamayan.
📷 Senator Risa Hontiveros, MarileNews FB