Bocaue, nagbigay-pugay sa kababaihan sa pagdiriwang ng National Women’s Month
Paulo Gaborni March 16, 2026 at 05:58 PM
BOCAUE, Bulacan — Sa pagdiriwang ng National Women’s Month, nagbigay-pugay si Mayor Jonjon Villanueva sa kababaihang Bocaueño, kinilala ang kanilang mahalagang papel, at muling tiniyak ang suporta ng pamahalaang bayan sa mga programang nagtataguyod ng karapatan at kapangyarihan ng kababaihan.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Villanueva ang kababaihan sa kanilang sipag, talino, at malasakit na nagsisilbing sandigan ng bawat pamilya at inspirasyon ng buong bayan.
“Isang pagpupugay sa lahat ng kababaihang Bocaueño ngayong National Women’s Month! Sa bawat ilaw ng tahanan—sa mga nanay, ate, tita, lola—sa bawat babaeng patuloy na nagsisilbing lakas ng ating bayan, maraming salamat sa inyong sipag, talino, at malasakit,” ani Villanueva.
Binigyang-diin ng alkalde na ang kababaihan ang “matibay na pundasyon” ng Bocaue at mahalagang katuwang sa pagbuo ng mas matatag at mas maunlad na kinabukasan.
Ayon sa punong bayan, makakamtan ang pag-unlad kung may pantay na pagkakataon ang lahat.
“Patuloy nating isusulong ang mga programang magpapalakas sa kababaihan, magtatanggol sa inyong karapatan, at tutugon sa inyong mga pangangailangan. Kasabay nito, sisikapin nating lumikha ng mas maraming oportunidad para sa kababaihan sa larangan ng edukasyon, kabuhayan, at pamumuno,” aniya.
Pinuri naman ng sektor ng kababaihan ang mensahe ni Mayor Jonjon Villanueva, gayundin ang mga programang ipinatutupad niya na nagbibigay ng konkretong suporta sa kanilang pangangailangan at nagbubukas ng mas maraming oportunidad para sa kanilang pag-unlad.
Pinasalamatan din siya sa kanyang pagkilala sa kontribusyon ng kababaihang Bocaueño na patuloy na nagbibigay-lakas at inspirasyon sa bayan.
📷 Mayor Jonjon Villanueva FB