Libreng maintenance na gamot sa ilalim ng YAKAP Program, inilunsad sa Pandi
Angelo Calixtro March 10, 2026 at 05:45 PM
PANDI, BULACAN — Maaari nang makakuha ng libreng maintenance na gamot ang mga residente ng Pandi sa pamamagitan ng PhilHealth GAMOT (Guaranteed and Accessible Medication for Outpatient Treatment) Program, na bahagi ng YAKAP initiative ng pamahalaan.
Layunin ng programa na mapagaan ang gastusin ng mga pamilya sa pagbili ng maintenance medicines at mas mapadali ang access sa mga kinakailangang gamot para sa patuloy na gamutan. Sa ilalim ng programa, kinakailangan lamang ihanda ng mga residente ang kanilang PhilHealth PIN at magparehistro sa PhilHealth YAKAP sa pamamagitan ng eGovPH App o PhilHealth Member Portal.
Kailangan ding piliin ng miyembro ang kanilang kinabibilangang Rural Health Unit (RHU) sa Pandi. Kapag may reseta mula sa doktor, maaari nang kunin ang mga gamot sa RHU 1 PhilHealth GAMOT Facility.
Kinakailangan ding bumalik ang pasyente sa YAKAP Clinic para sa follow-up check-up at monitoring ng kanilang kalusugan.
Ayon sa lokal na pamahalaan, ang programa ay bahagi ng patuloy na pagsisikap na mapabilis ang serbisyong pangkalusugan at mabigyan ng mas maayos na access sa gamot ang bawat pamilyang Pandieño.
Hinihikayat naman ang mga residente na magparehistro at samantalahin ang serbisyong ito upang makatulong sa pagpapanatili ng kanilang kalusugan.
📷 Mayor Rico Roque FB