Lima arestado sa anti-drug ops ng Bulacan; Mahigit ₱127k halaga ng shabu at baril, nasamsam
Mike Manalaysay January 30, 2026 at 05:22 AM
CAMP GEN. ALEJO S. SANTOS — Naaresto ang limang suspek matapos isagawa ng Bulacan Police Provincial Office ang magkakahiwalay na buy-bust operation noong Enero 27 at 28.
Sa ulat ni PLt. Col. Gilbert Diaz, hepe ng Bocaue Municipal Police Station (MPS), isang drug suspect ang nahuli sa Barangay Lolomboy dakong alas-11:45 ng gabi noong Lunes. Narekober mula sa suspek ang limang plastic sachet ng hinihinalang shabu na may halagang ₱88,400, isang caliber .38 revolver, tatlong bala, at ang ginamit na buy-bust money.
Samantala, sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya ng Hagonoy, Calumpit, at Lungsod ng Malolos, apat pang indibidwal ang naaresto. Nakuha sa mga suspek ang pitong sachet ng hinihinalang shabu at tatlong sachet ng marijuana na may kabuuang halaga na ₱38,648.
Sa kabuuan, umaabot sa mahigit ₱127,048 na halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska ng mga operatiba sa loob ng dalawang araw.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng mga otoridad ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
📷 Bulacan Police Provincial Office FB