Marilao Mayor Jem Sy nilinaw ang isyu sa Rice Subsidy Program
Angelo Calixtro March 12, 2026 at 04:59 PM
MARILAO, Bulacan — Binigyang diin ni Marilao Mayor Jem Sy na magpapatuloy ang pagpapatupad ng rice subsidy program para sa mga residente, kasunod ng pagkalat ng mga maling impormasyon sa social media na nagsasabing ititigil na umano ang nasabing ayuda.
Sa isang pahayag na inilabas sa kanyang Facebook page, sinabi ni Sy na walang katotohanan ang mga kumakalat na balita na hindi na magpapatuloy ang rice subsidy sa bayan.
“Una po sa lahat, huwag po sana tayong magpapaniwala sa mga fake news. Ang rice subsidy po ng ating bayan ay hindi mawawala. Inaayos lamang po natin ang sistema ng pamamahagi para masigurong lahat ng legitimate na Marileños ay makakatanggap,” pahayag ni Sy.
Ipinaliwanag ng alkalde na kasalukuyang nagsasagawa ang lokal na pamahalaan ng mga hakbang para matiyak na maayos ang distribusyon ng libreng bigas matapos makatanggap ng mga ulat tungkol sa umano’y pagkakaroon ng mga hindi kwalipikadong benepisyaryo.
“Marami po tayong natanggap na reports na may mga fake beneficiaries at may mga tunay na benepisyaryo naman na hindi nakakatanggap. Mayroon ding mga pagkakataon na hindi patas ang pamamahagi—may sobra ang natatanggap ng iba habang may kulang naman ang iba,” dagdag ng alkalde.
Binubuo na rin ng pamahalaang bayan ang mas malinaw na pamantayan o criteria para mapabilang sa mga makakatanggap ng rice subsidy at para maiwasan ang hindi pagkakaunawaan.
Bilang bahagi ng paghahanda, nagsimula na rin ang pagsasanay ng mga enumerator na magtutungo sa bawat barangay para magsagawa ng profiling at mas maayos na pagbuo ng listahan ng mga benepisyaryo.
“Noong mga nakaraang linggo ay nagsimula na po ang training ng mga enumerator na bababa sa bawat barangay para sa mas maayos at patas na listahan ng beneficiaries,” paliwanag ng alkalde.
Kasama rin aniya sa kanilang plano ang paghahatid ng bigas sa mga bahay para masigurong makakarating ito sa mga tamang benepisyaryo.
Target ng lokal na pamahalaan na maisagawa ang pamamahagi sa buwan ng Hunyo bilang bahagi ng mid-year assistance program.
Dagdag pa ni Sy, magkakaroon ng dalawang pangunahing ayuda para sa mga Marilenyo sa bawat taon—ang rice subsidy sa Hunyo at ang pamaskong handog o Noche Buena package sa Disyembre.
Hinimok naman ng alkalde ang mga residente na maging mapanuri sa mga impormasyong kumakalat sa social media at iwasang magpakalat ng mga balitang walang kumpirmasyon mula sa pamahalaang bayan.
📷 MarileNews FB