Mga atleta sa 2025 Southeast Asian Games, pinarangalan
Jan-rey Asotes January 13, 2026 at 09:22 PM
LUNGSOD NG CALOOCAN — Binigyan ng parangal at pinagkalooban ng cash incentive ng pamahalaang lungsod ng Caloocan ang mga atleta na naging kinatawan ng Pilipinas sa ginanap na 2025 Southeast Asian (SEA) Games.
Ang pagkilala ay iginawad bilang pagpupugay sa kanilang ipinamalas na kahusayan sa iba’t ibang larangan ng palakasan. Kabilang sa mga tumanggap ng parangal para sa kanilang nakuhang Bronze medal ay sina Angelo Iñigo A. Ventus para sa Extreme Jetski Mixed Runabout Limited; Jahn Cyruz P. Asuncion at Ethelmae Jewel Suguitan para sa Short Track Speed Skating; Aljen A. Aynaga para sa Taekwondo; at Katrina M. Garcia bilang bahagi ng Philippine Women’s Netball Team.
Kinilala rin ang partisipasyon nina Miel Joaquin Ugaban at Joaquin Federico Mirasol sa larangan ng Water Polo.
Ayon sa lokal na pamahalaan, ang tagumpay ng mga atleta ay patunay ng galing at determinasyon ng mga kabataang taga-Caloocan na makipagsabayan sa buong mundo.
Tiniyak naman ni Mayor Along Malapitan ang patuloy na suporta sa sports program na magbibigay ng higit pang oportunidad sa mga kabataan na mahasa ang kanilang mga talento at kakayahan.
📷 Along Malapitan FB