Mga mag-aaral ng UE Caloocan, nagprotesta laban sa tuition fee increase
Rj Capin March 18, 2023 at 08:20 PMNagprotesta ang mga mag-aaral ng University of East (UE) Caloocan campus matapos maglahad ang pamunuan ng unibersidad ng panukalang 9.5% Tuition and Other Fees Increase (TOFI) para sa Academic Year 2023-2024.
“NO TO UE TOFI!” Ito ang sigaw ng mga mag-aaral na nagpoprotesta sa UE Field noong March 15. Ayon sa isang estudyante, “pinipili nilang [administrasyon ng UE] magbingi-bingihan at magbulag-bulagan sa hirap na nararanasan ng mga estudyante at kani-kanilang magulang dahil sa inflation.”
Nagkomento rin ang isang magulang tungkol sa isyu, “gusto ko na nga patigilin anak ko ngayong semester sa taas ng tuition n’yo! ANO NA UE!? Naku!”
Kasabay nito, nakiisa rin ang mga estudyante sa isinagawang ‘Silent Protest’ at ‘Black Ribbon Movement’ sa pamamagitan ng pagsusuot ng puting facemask na may katagang “NO TO UE TOFI” at black ribbon sa dibdib.
Ayon sa mga nag-organisa ng protesta, “ang pagsunod sa kilusan na ito ay simbolo ng mariing pagtutol ng mga estudyante laban sa ‘di makatarungan, ‘di makatao, at ‘di maka-estudyanteng Tuition and Other Fees Increase.”
Tinutulan at kinuwestiyon din ng hanay ng mga guro ang anila’y malaking porsiyentong pagtaas ng matrikula at hinimok nila ang administrasyon ng pamantasan na muling suriin ang panukala, “paano dumating sa 9.5%?”.
Dagdag pa nila, “9.5% is so high for our students, I’m telling you. And our competitors, there are so many schools now, especially state universities, that offer good and quality education.”
Sa isinagawang konsultasyon ng administrasyon ng UE kasama ang mga konseho ng mga mag-aaral, sinabi nila na magkakaroon ng 66.7% na pagtaas sa Alumni Fee at 50% na pagtaas sa Cultural Fee. Gayundin sa Installment Fee at Sports Development Fee, na kapwa magkakaroon ng 401% at 100% na pagtaas.
Samantala, iginiit naman ni UE Vice President for Finance, Annie Villegas, na kailangang gawin ang pagtataas ng tuition fee upang mabuhay ang pamantasan. Naniniwala aniya ang administrasyon na naaayon pa rin ang kanilang desisyon sa mission at vision ng pamantasan.
Ayon naman sa mga student-leaders ng UE, “hindi makatarungan at hindi makaestudyante ang pagtaas ng matrikula. Isa pa, dapat yung pagtaas ng matrikula ay dapat nakikita at napapakinabangan.” Sinang-ayunan naman ito ng ilang mag-aaral na nagpatotoo na hindi nagagamit ang ilang kagamitang pangturo sa UE katulad na lamang ng projectors at ibang laboratory facilities.
Sa ilalim ng CHED Memorandum No. 3 Series of 2012, maaaring taasan ng Higher Education Institutions (HEIs) ang matrikula at iba pang bayarin sa kanila, basta’t dumaan sa konsultasyon ang lahat ng sisingilin, pagtataas, at pagpapataw.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang panawagan ng mga estudyante na ikonsidera ang kanilang apela na huwag ituloy ang nasabing pagtaas ng matrikula.
Video: Jihya Tamayo/RedWire