Moreno, ipinag-utos na ang paglabas ng ₱66.8M clothing allowance; tiniyak ang sahod ng health workers
Angelo Calixtro February 23, 2026 at 07:17 PM
MAYNILA — Inanunsyo ni Manila City Mayor Francisco Moreno Domagoso nitong Lunes, Pebrero 23, ang paglalabas ng kabuuang ₱66,821,000 para sa clothing allowance ng mahigit 9,000 kawani ng pamahalaang lungsod.
Sa kanyang talumpati sa flag-raising ceremony sa Manila City Hall, sinabi ng alkalde na 8,543 regular na empleyado ang tatanggap ng tig-₱7,000 cash bilang kanilang 2026 clothing allowance.
“Imbes na ibili ko kayo ng bagong uniporme, pinabuti ng inyong lingkod na ibigay na lang sa inyo nang cash ‘yung ₱7,000,” ani Domagoso.
Ibinunyag din ng alkalde na mababayaran na ang 1,063 empleyado na hindi nakatanggap ng clothing allowance mula 2021 hanggang 2025.
Ayon sa talaan, 10 ang hindi nabigyan noong 2021; 62 noong 2022; 131 noong 2023; 181 noong 2024; at 679 noong 2025.
“Kung sino ka man—’yung humigit-kumulang isang libo mahigit na hindi nakakuha—makukuha mo na ’yan,” pahayag niya.
Ayon pa sa alkalde, ilalabas ang natitirang payroll para sa clothing allowance mula Pebrero 24 hanggang 27.
Ipinaliwanag niyang mas pinili ang cash distribution upang magkaroon ng kaluwagan ang mga empleyado sa kanilang gastusin sa bahay.
Samantala, tiniyak din ni Domagoso sa mga Job Order (JO) at Contract of Service (COS) personnel sa ilalim ng Manila Health Department at mga ospital ng lungsod na matatanggap nila sa loob ng linggo ang naantalang sahod para sa Enero 1–31, 2026.
📷 Manila Public Information Office