Ordinansa para sa drug-free workplace, tinalakay sa Malolos
Angelo Calixtro March 16, 2026 at 06:13 PM
MALOLOS CITY — Tinalakay ng Sangguniang Panlungsod ng Malolos ang isang panukalang ordinansa na naglalayong magpatupad ng “Drug-Free Workplace Program” sa lungsod upang mapanatili ang kaligtasan, kalusugan, at produktibong kapaligiran sa mga lugar ng trabaho na isinagawa noong ika-11 ng Marso sa bulwagan ng Sangguniang Panlungsod
Pinangunahan ito ng Committee on Public Order, Fire Prevention and Public Safety sa pamumuno ni Noel Pineda bilang Chairperson, kasama si Victorino Aldaba III bilang Vice Chairperson, at mga miyembro na sina Meri Ann Bulaong, Luis Alfonso Arcega, at Miel Arthem Agustin.
Layunin ng pagpupulong na masusing suriin ang draft ng ordinansa at makalap ang mga rekomendasyon mula sa iba’t ibang tanggapan at stakeholder upang matiyak na magiging epektibo at makatao ang pagpapatupad ng programa sa lungsod.
Dumalo sa konsultasyon ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya na may kinalaman sa usapin ng kalusugan, kaayusan, at kapakanan ng mga empleyado.
Sa nasabing talakayan, binigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malinaw na mga polisiya at mekanismo upang maiwasan ang paggamit ng ilegal na droga sa mga lugar ng trabaho, kasabay ng pagbibigay ng suporta at interbensyon para sa mga empleyadong nangangailangan ng tulong.
Inaasahan ng mga opisyal na sa pamamagitan ng panukalang ordinansa ay mas mapapalakas ang kampanya ng lungsod laban sa ilegal na droga habang napapanatili ang isang ligtas at maayos na working environment para sa mga manggagawa sa Malolos.
📷 City of Malolos Public Information Office FB