Rabies Awareness Seminar, tampok sa Programang Pangkalusugan ng Bocaue
Angelo Calixtro February 17, 2026 at 08:44 PM
BOCAUE, Bulacan — Nagsagawa ng Rabies Awareness Seminar ang pamahalaang bayan ng Bocaue sa 19 na barangay noong Pebrero 16 bilang bahagi ng pinaigting na Programang Pangkalusugan ni Mayor Jonjon Villanueva.
Isinagawa ang aktibidad sa pagtutulungan ng Municipal Agriculture Office at Provincial Veterinary Office upang higit na mapalawak ang kaalaman ng komunidad hinggil sa pag-iwas at tamang pagtugon sa rabies.
Dinaluhan ang seminar ng mga punong barangay at kagawad mula sa iba’t ibang barangay, kasama ang mga miyembro ng Lingkod Lingap sa Nayon (LLN) at mga Mother Leader na aktibong katuwang ng lokal na pamahalaan sa mga programang pangkalusugan.
Ayon sa pamahalaang bayan, layunin ng seminar na palakasin ang impormasyon at kamalayan ng publiko ukol sa rabies—isang sakit na maaaring maiwasan ngunit nananatiling banta sa kalusugan kung hindi agad mabibigyang lunas.
Binigyang-diin din ng mga tagapagsalita ang mahalagang papel ng mga opisyal ng barangay sa pagpapatupad ng anti-rabies campaign, lalo na’t sila ang unang nilalapitan ng mga residente sa oras na magkaroon ng insidente ng kagat ng hayop o pinaghihinalaang kaso ng rabies sa kanilang lugar.
Patuloy namang hinihikayat ng lokal na pamahalaan ang mga residente na maging responsable sa pag-aalaga ng kanilang mga alagang hayop, tiyaking nababakunahan ang mga ito, at agad na magpakonsulta sa pinakamalapit na health center sakaling makagat o makalmot ng hayop.
📷 Mayor Jonjon JJV Villanueva FB