Suspek sa online sexual exploitation ng kabataan, inaresto ng NBI sa Marilao; Limang biktima, nasagip
Mike Manalaysay August 14, 2025 at 03:12 PM
MARILAO, Bulacan — Arestado ang isang suspek at nasagip ang limang menor de edad na biktima sa isinagawang operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Barangay Lambakin, Marilao, Bulacan.
Sa bisa ng search warrant, isinagawa ang operasyon sa Block 5 Lot 13, Northville 4A sa Barangay Lambakin nitong Agosto 13, dakong 6:40 ng gabi.

Naaresto ng NBI ang suspek na kinilalang si alyas Tisay Ferdes na residente ng nasabing lugar. Pinangunahan ang operasyon ng NBI Cybercrime Division sa pamumuno ni Agent Dennis Rivero, katuwang ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng Marilao.
Sa nasabing operasyon, matagumpay na nasagip ang limang menor de edad na biktima ng online sexual exploitation. Kinilala sila sa kanilang mga alyas na Krizzy, Keyshia, Reajoy, Rica, at Daiza —pawang mga nakatira rin sa Brgy. Lambakin.

Ipinatupad ang operasyon bilang bahagi ng pagpapatupad ng batas laban sa Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC). Matapos ang pag-aresto at pagsagip, dinala ang suspek at mga biktima sa NBI Main Office sa Pasay City para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Ayon sa Police Regional Office 3 (PRO3), nakatakdang makipag-ugnayan ang Marilao Municipal Police Station (MPS) sa NBI para makuha ang kumpletong detalye ng isinagawang operasyon.
Patuloy ang kampanya ng mga awtoridad laban sa OSAEC upang maprotektahan ang mga kabataan mula sa karahasan at pagsasamantala sa online platforms.
📷 NBI