16 sugatan matapos bumangga ang pampasaherong jeep sa poste
Paulo Gaborni August 28, 2025 at 05:47 PM
CAMARIN, Caloocan City — Nasaktan ang labing-anim na pasahero matapos salpukin ng isang pampasaherong jeep ang isang poste sa kahabaan ng Camarin Road, Barangay 175, sa lungsod ng Caloocan ngayong araw.
Ayon sa drayber ng jeep na may biyaheng Caloocan–Novaliches, nawalan umano ng preno ang kanyang sasakyan kaya’t napilitan siyang ibangga ito sa poste upang maiwasan ang mas malalang insidente.
Nayupi ang harapan ng jeep dahil sa lakas ng pagkakabangga, at sugatan ang mga nakasakay na karamiha’y estudyante.
Sa harapan ng jeep, duguan ang drayber at naipit ang paa ng isang pasahero. Tinulungan siya ng Caloocan Rescue team na makaalis mula sa pagkakaipit.
Makikita rin ang ibang pasaherong nasaktan na nakaupo sa tabi ng jeep.
Kasama sa rumesponde sa aksidente ang Public Safety and Traffic Management Department (CCDRRMD), anim na ambulansya at isang Special Rescue Vehicle.
Dinala ang mga nasugatang pasahero sa Tala Hospital para sa agarang lunas, habang isinailalim naman sa imbestigasyon sa Caloocan Police Station ang drayber ng jeep.
📹 Bing Lacson FB and Eric Milar FB