37 tablets ipinagkaloob sa San Juan Elementary School sa Hagonoy
Angelo Calixtro March 11, 2026 at 04:32 PM
HAGONOY, BULACAN — Nakatanggap ng 37 tablets at tatlong taong internet connectivity ang mga mag-aaral ng San Juan Elementary School sa isinagawang Khan Academy Philippines Adopt-A-School Program noong Marso 10.
Dumalo sa programa si Hagonoy Mayor Charo Sy Alvarado-Mendoza, kasama ang mga kinatawan ng paaralan sa pangunguna ni school head Marites Ramos.
Ipinagkaloob ang mga kagamitan sa pamamagitan ng Khan Academy Philippines sa tulong ng mga donor na sina Atty. Lourdes Matters at John H. Matters, Salvacion Joanna Cruz Molina, Maria Carmen Cruz Kayne, at Fatima Angelica “Timmy” L. Cruz.
Ayon sa pamahalaang bayan ng Hagonoy, inaasahang makatutulong ang mga tablet at internet access upang mapalawak ang kaalaman ng mga mag-aaral at masuportahan ang kanilang pagkatuto gamit ang makabagong teknolohiya.
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang lokal na pamahalaan sa mga nagbigay ng donasyon at sa Khan Academy Philippines sa kanilang patuloy na suporta sa edukasyon ng mga kabataan ng Hagonoy.
Umaasa rin ang pamahalaang lokal na magpapatuloy ang ganitong uri ng pakikipagtulungan para higit pang mapalakas ang mga programang pang-edukasyon sa mga paaralan sa bayan.
📷 Ate Charo Sy-Alvarado FB