73 Barangay GAD Focal Persons sumali sa QC Bus for Women HERitage Trip
Angelo Calixtro March 16, 2026 at 06:44 PM
QUEZON CITY — Nagsagawa ang Quezon City Gender and Development Office ng “QC Bus for Women HERitage Trip – Trace the Legacy of Women Across Quezon City Historic Sites” bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Women’s Month.
Nilahukan ito ng 73 Barangay Gender and Development (GAD) Focal Persons at Violence Against Women (VAW) Desk Officers mula sa iba’t ibang barangay sa lungsod.
Layunin ng aktibidad na palalimin ang kaalaman at pagpapahalaga ng mga kalahok sa mahalagang papel ng kababaihan sa kasaysayan at pag-unlad ng Quezon City.
Sa naturang heritage trip, binisita ng mga kalahok ang ilang makasaysayang lugar sa lungsod kabilang ang Quezon Heritage House, Bahay Modernismo, Underparadiso, General Emilio Jacinto Monument, Tandang Sora Shrine, at Tandang Sora Women’s Museum.
Sa pamamagitan ng aktibidad, nabigyan ng pagkakataon ang mga kalahok na mas makilala ang mga kababaihang nag-iwan ng mahalagang ambag sa kasaysayan ng lungsod, kabilang ang rebolusyonaryong si Melchora Aquino o mas kilala bilang Tandang Sora.
Naging katuwang ng GAD Office sa pagsasagawa ng programa ang Quezon City Tourism Department, Quezon City Green Transport Office sa ilalim ng Department of Public Order and Safety, at Traffic and Transport Management Department upang matiyak ang maayos at ligtas na pag-ikot ng mga kalahok sa mga makasaysayang lugar ng lungsod.
📷 Quezon City Government FB