96 pamilya sa Longos, Malabon target mailipat sa housing site sa Panghulo
Angelo Calixtro March 12, 2026 at 02:08 PM
MALABON CITY — Naisagawa ng lokal na pamahalaan ang huling konsultasyon para sa 96 pamilyang naninirahan sa kahabaan ng Orchids Creek sa Barangay Longos, bilang bahagi ng planong relokasyon patungo sa housing site sa St. Gregory sa Barangay Panghulo.
Sa naturang konsultasyon, ipinaliwanag sa mga residente ang mga hakbang sa relokasyon, kabilang ang mga kinakailangang dokumento at proseso ng aplikasyon para sa pabahay. Tinalakay rin ang kahalagahan ng paglipat mula sa mga lugar na itinuturing na high-risk areas, partikular sa mga komunidad na nasa tabi ng creek na madalas maapektuhan ng pagbaha.
Ayon sa pamahalaang lungsod, ang mga pamilyang sakop ng programa ay naitala sa isinagawang census noong 2011 at kalaunan ay sumailalim sa validation ng National Housing Authority noong 2014, dahilan upang maisama sila sa listahan ng mga kwalipikadong benepisyaryo.
Nauna nang nagsagawa ng mga kahalintulad na konsultasyon ang pamahalaang lungsod sa Barangay Tugatog at Barangay Concepcion. Sa kabuuan, umabot sa 243 pamilya mula sa iba’t ibang komunidad sa Malabon ang naisama sa programa.
Pinangunahan ang konsultasyon ng Community and Urban Poor Affairs Office (CUPAO), katuwang ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan. Dumalo rin ang mga kinatawan mula sa Metropolitan Manila Development Authority, National Housing Authority, Presidential Commission for the Urban Poor, pati ang Malabon City Engineering Department, City Social Welfare and Development Department, at City Housing and Urban Development Department para sagutin ang mga katanungan ng mga residente kaugnay ng pabahay at relokasyon.
📷 Malabon City Government