Caloocan LGU, magpapatupad ng mga hakbang sa pagtitipid ng krudo at kuryente
Angelo Calixtro March 10, 2026 at 05:37 PM
CALOOCAN CITY — Ipatutupad ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ang isang executive order na naglalaman ng komprehensibong mga hakbang upang makatipid sa paggamit ng krudo at kuryente sa mga tanggapan ng lokal na pamahalaan.
Ang nasabing kautusan ay alinsunod sa Presidential Memorandum Circular, na naglalayong makatulong sa pagtugon sa pandaigdigang krisis sa enerhiya sa pamamagitan ng mas maingat na paggamit ng energy resources sa mga ahensya ng gobyerno.
Ayon sa pamahalaang lungsod, mahigpit na ipatutupad at susundin ng lahat ng kawani ng lokal na pamahalaan ang mga patakarang nakasaad sa executive order bilang bahagi ng energy conservation efforts ng lungsod.
Sa kabila nito, tiniyak ng pamahalaang lungsod na hindi maaantala ang paghahatid ng mahahalagang serbisyo sa publiko. Kabilang sa mga serbisyong magpapatuloy nang walang abala ang health services, fire prevention at emergency response operations, law enforcement at public safety operations, Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) initiatives, gayundin ang sanitation at garbage collection services.
Saklaw din ng tuloy-tuloy na operasyon ang iba pang mahahalagang tungkulin na kinakailangan para sa proteksyon ng buhay, ari-arian, at kritikal na imprastraktura sa lungsod.
Samantala, hinihikayat din ng lokal na pamahalaan ang mga residente na makiisa sa energy conservation efforts sa pamamagitan ng pagtitipid sa paggamit ng kuryente sa kanilang mga tahanan, paaralan, at mga opisina.
📷 Along Malapitan FB