CHD, nagbigay ng libreng serbisyong medikal sa residente ng Caloocan
Angelo Calixtro February 21, 2026 at 09:24 PM
CALOOCAN CITY — Nagsagawa ang Caloocan City Health Department (CHD) ng isang one-stop shop community-based medical mission sa Caloocan Sports Complex upang magbigay ng libreng serbisyong pangkalusugan sa mga residente.
Mahigit 390 na mamamayan ang maagang pumila upang makinabang sa iba’t ibang serbisyong inialok ng lungsod.
Kabilang dito ang blood screening, libreng X-ray, “Sagip Mata” consultation para sa mga may problema sa paningin, pamamahagi ng libreng gamot, at iba pang pangunahing serbisyong medikal.
Ayon sa CHD, layunin ng aktibidad na mailapit sa komunidad ang abot-kaya at dekalidad na serbisyong pangkalusugan, lalo na sa mga residenteng may limitadong kakayahang magpagamot sa mga pribadong ospital.
Ibinahagi rin ng ilang residente ang kanilang pasasalamat sa inisyatiba ng lokal na pamahalaan, na anila’y malaking tulong sa kanilang pamilya, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng gastusin sa kalusugan.
Patuloy namang hinihikayat ng CHD ang publiko na makiisa sa mga susunod pang medical missions at programang pangkalusugan ng lungsod.
📷 Along Malapitan FB