Children with disabilities, nakisaya sa ika-50 Camp Pag-ibig sa QC
Angelo Calixtro February 16, 2026 at 05:05 PM
QUEZON CITY — Naging makulay at masaya ang pagdiriwang ng ika-50 Camp Pag-ibig matapos makilahok ang mga children with disabilities mula sa iba’t ibang lungsod sa ginanap na aktibidad sa Quezon Memorial Circle nitong Linggo.
Napuno ang programa ng iba’t ibang gawain tulad ng drawing, dancing, camping, singing, at samu’t saring palaro na nagbigay ng saya at pagkakataon sa mga bata na maipakita ang kanilang talento at kakayahan.
Sa naturang okasyon, pinarangalan ng Philippine Association for Intellectual Disabilities (PAFID) si Quezon City Mayor Joy Belmonte at ang Pamahalaang Lungsod bilang pagkilala sa patuloy na suporta at malasakit ng lokal na pamahalaan sa kapakanan ng mga batang may kapansanan.
Labis ding ikinatuwa ng mga kalahok ang pakikihalubilo ng mga emotional support dogs mula sa City Veterinary Department, na nagbigay aliw at emosyonal na suporta sa mga bata sa buong programa.
Tumayong kinatawan ng alkalde si Debbie Dacanay, pinuno ng QC Persons with Disability Affairs Office, kasama sina Jorge Banal Jr., Alphonsus De Alban, Dr. Teresita Inciong, at iba pang partner organizations na sumuporta sa matagumpay na aktibidad.
📷 Quezon City Government FB