Grocery ayuda para sa transport sector sa Bocaue, inilunsad sa gitna ng oil crisis
Angelo Calixtro March 19, 2026 at 11:27 PM
BOCAUE, Bulacan — Namahagi ng grocery ayuda si Vice Mayor Atty. Sherwin N. Tugna sa humigit-kumulang 4,000 residente ng Bocaue mula sa sektor ng transportasyon bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo at gasolina.
Ayon kay Tugna ang hakbang ay bunsod ng pagdoble ng presyo ng petrolyo kasunod ng tensyon sa pagitan ng Estados Unidos, Israel, at Iran, na nagresulta sa paglobo ng presyo ng gasolina na may direktang epekto naman sa kabuhayan ng mga tsuper. Layunin ng programa na makatulong sa pang-araw-araw na gastusin ng mga benepisyaryo habang patuloy na nararanasan ang epekto ng sigalot.
Kabilang sa mga makikinabang sa programa ang mga jeepney drivers, delivery riders, at mga miyembro ng tricycle operators and drivers associations (TODA) na unang nakararamdam ng epekto ng oil price hike.
Ipatutupad ang pamamahagi ng ayuda sa mga susunod na araw sa pangunguna ni Tugna at ng mga konsehal ng Team Solid Lingkod Bayan, sa pakikipagtulungan at suporta ni Mayor Jonjon Villanueva.
📷 Vice Mayor Atty. Sherwin N. Tugna FB