Health profiling isinagawa para sa Barangay Health Workers sa Valenzuela
Angelo Calixtro March 6, 2026 at 06:00 PM
VALENZUELA CITY — Bilang pakikiisa sa paggunita ng World Obesity Day, nagsagawa ang Valenzuela City Health Office ng health profiling activities para sa mga Barangay Health Workers bilang bahagi ng kanilang Healthy Lifestyle and Weight Support initiatives noong Marso 4, 2026.
Layunin ng aktibidad na masuri ang kalagayan ng kalusugan ng mga community health workers na nagsisilbing pangunahing tagapagtaguyod ng kalusugan sa kani-kanilang mga barangay. Mahalaga ang kanilang papel sa pagpapalaganap ng mga wastong gawain sa kalusugan at preventive care sa komunidad.
Kabilang sa mga isinagawang aktibidad ang registration, vital signs assessment, weigh-in, at baseline health screening. Sa pamamagitan nito, natutukoy ang mga posibleng health risks at nahihikayat ang mga kalahok na isulong ang mas malusog na pamumuhay.
Ayon sa City Health Office, mahalaga ring mabigyan ng sapat na kaalaman at kamalayan ang mga health workers tungkol sa kanilang sariling kalusugan upang mas maging epektibo silang tagapagtaguyod ng healthy lifestyle sa komunidad.
Sa pamamagitan ng mga programang tulad nito, patuloy na pinalalakas ng pamahalaang lungsod ang mga community-based health initiatives tungo sa layuning makamit ang isang mas malusog na Valenzuela.
📷 Valenzuela City FB