Joint clearing operation isinagawa sa Malabon laban sa ilegal na paradahan
Mike Lopez February 7, 2026 at 12:53 PM
MALABON CITY — Isinagawa kahapon, Pebrero 6, ang isang joint clearing operation sa Malabon sa pangunguna ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, upang alisin ang mga ilegal na nakaparadang sasakyan na nagdudulot ng pagsisikip ng trapiko at panganib sa publiko.
Pinangunahan ang operasyon ni Gabriel Go, Head ng MMDA Special Operations Group–Strike Force; kasama si Ruby Bron, Head ng MMDA Northern Traffic Enforcer District (NTED); ang Land Transportation Office (LTO); at ang Malabon Public Safety and Traffic Management Office (PSTMO) sa pamumuno ni PCol. Reynaldo Medina Jr. (ret.).
Isinagawa ang clearing operation sa Honradez, Barangay Tugatog, gayundin sa mga pangunahing kalsada ng Gov. Pascual Avenue, Concepcion, at Baritan.
Sa kabuuan, 42 indibidwal ang nabigyan ng Official Violation Receipt (OVR), habang 11 sasakyan ang na-tow dahil sa paglabag sa mga patakaran sa trapiko.
Patuloy ang koordinasyon ng lokal na pamahalaan at mga katuwang na ahensya upang mapanatili ang kaayusan, maayos na daloy ng trapiko, at kaligtasan ng mga motorista at pedestrian sa lungsod ng Malabon.
📷 Malabon City Government FB