Valenzuela City CHO, nagsagawa ng seminar para sa Leprosy Control week
Angelo Calixtro February 25, 2026 at 04:18 PM
Valenzuela City — Nagsagawa ang Valenzuela City Health Office (CHO), sa pangunguna ng mga health center sa lungsod, ng isang seminar hinggil sa leprosy o Hansen’s disease. Pakikiisa ito sa pagdiriwang ng Leprosy Prevention and Control Week tuwing huling linggo ng Pebrero,
Layunin ng aktibidad na palakasin ang kamalayan ng komunidad tungkol sa kahalagahan ng maagang pagsusuri at agarang pagpapagamot upang maiwasan ang komplikasyon at permanenteng kapansanan.
Ayon sa Department of Health (DOH), ang leprosy ay isang nakahahawang sakit na dulot ng bakterya na pangunahing nakaaapekto sa balat at mga ugat, ngunit ito ay nagagamot at may libreng lunas sa pamamagitan ng multi-drug therapy (MDT) na available sa mga pampublikong health facility.
Sa isinagawang lecture, ipinaliwanag ng mga health personnel ang mga karaniwang sintomas tulad ng pagkakaroon ng mapuputi o mamulang patches sa balat na may pamamanhid, pati na ang kahalagahan ng agarang pagkonsulta sa health center sakaling makaranas ng mga nabanggit na palatandaan.
Bahagi rin ng kampanya ang pagtugon sa stigma at diskriminasyon laban sa mga apektado ng sakit. Ayon sa CHO, ang maling paniniwala at takot ang isa sa mga dahilan kung bakit may mga pasyenteng nahihiyang magpakonsulta at magpagamot.
Sa pamamagitan ng tamang impormasyon, libreng gamutan, at sama-samang pagkilos ng komunidad, layon ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela na isulong ang isang lipunang may malasakit, pag-unawa, at walang diskriminasyon laban sa mga may leprosy.
📷 Team HEPO Valenzuela – City Health Office FB