Kabuuang ₱2M na premyo, inilaan sa ‘Marilao Flood-Free Design Challenge’
Angelo Calixtro March 11, 2026 at 04:36 PM
MARILAO, BULACAN — Aabot sa mahigit ₱2 milyon ang kabuuang papremyong inilaan ng Pamahalaang Bayan ng Marilao sa isang design competition na inilunsad noong Marso 10.
Sa contest na “Marilao Flood-Free: A Design Challenge for a Safer Tomorrow,” inaanyayahan ng lokal na pamahalaan ang mga arkitekto, inhinyero, at urban planner mula sa buong bansa na magsumite ng makabago at sustainable na mga solusyon laban sa pagbaha.
Ayon kay Marilao Mayor Jem Sy, layunin ng kompetisyon na makabuo ng pangmatagalang plano hindi lamang sa imprastraktura kundi pati na rin sa urban planning para sa kaligtasan at mas mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga residente ng Marilao.
Mahigit ₱2 milyon ang inilaang halaga para sa premyo. Makakatangap ng ₱1,000,000 ang tatanghaling first prize winner. ₱500,000 naman para sa second prize, at ₱300,000 para sa third prize. Mayroon ding limang consolation prizes na nagkakahalaga ng ₱100,000 bawat isa.
Umaasa ang lokal na pamahalaan na sa pamamagitan ng kompetisyong ito ay makakalikom ng mga konkretong ideya at disenyo na maaaring magsilbing gabay sa pagpapatupad ng mga proyektong pangmatagalan laban sa pagbaha sa Marilao.
📷 Atty. Jem Sy FB