Lalaking nanghostage sa Caloocan, arestado ng pulisya
Jan-rey Asotes January 17, 2026 at 08:09 PM
LUNGSOD NG CALOOCAN — Mabilis na naresolba ng pulisya ang isang insidente ng hostage-taking sa Barangay 185, Malaria noong gabi ng Biyernes, Enero 16, matapos ang mabilis na koordinasyon sa pamamagitan ng Unified 911 emergency system.
Dakong alas-7:39 ng gabi nang makatanggap ng distress call ang Unified 911, ang flagship public safety program ng Department of the Interior and Local Government (DILG). Sa loob lamang ng apat na minuto, o sa ganap na 7:43 ng gabi, agad na rumesponde ang mga tauhan ng Sub-Station 14 ng Caloocan City Police Station sa Ascoville, Malaria upang i-secure ang lugar.
Ayon sa ulat ng pulisya, isang lalaki na armado ng 12-pulgadang kutsilyo ang sapilitang pumasok sa isang tahanan at hinostage ang mga nakatira rito habang naghahanap ng impormasyon tungkol sa isang miyembro ng pamilya. Sa gitna ng tensyon, itinali pa ng suspek sa leeg ang isa sa mga biktima. Bagaman nasugatan ang isang biktima, nagawa naman nitong makaiwas sa mas malalang pinsala habang isang bata ang nakatakas at humingi ng saklolo.
Tumagal ng halos tatlong oras ang negosasyon hanggang sa magkaroon ng pagkakataon ang mga otoridad na pumasok sa bahay matapos magpambuno ang suspek at biktima. Agad na naaresto ang suspek at nailigtas ang natitirang hostage.
Pinuri ni Acting Chief PNP PLt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mabilis na aksyon ng mga rumespondeng pulis at binigyang-diin ang kahalagahan ng Unified 911 bilang maaasahang lifeline ng mamamayan. Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek at nahaharap sa patong-patong na kaso.
📷 Philippine National Police FB, Domz Cerillo FB