Mahigit 1,000 open pipe muffler, sinira sa Bulacan
Jan-rey Asotes January 15, 2026 at 07:06 PM
CAMP GEN. ALEJO S. SANTOS — Pinangunahan ng Bulacan Police Provincial Office (PPO) ang seremonyal na pagwasak sa may kabuuang 1,654 na piraso ng mga nakumpiskang open pipe at modified mufflers sa Malolos City nitong Enero 15.
Dumalo sa aktibidad sina Bulacan Governor Daniel Fernando, Vice-Governor Alex Castro, PCol. Angel Garcillano, Provincial Director, kasama ang mga Force Commander ng PMFC at mga hepe ng pulisya mula sa iba’t ibang lungsod at bayan sa lalawigan.
Ang pagwasak sa mga ilegal na tambutso ay bahagi ng kampanya ng lokal na pamahalaan at pulisya laban sa noise pollution. Ang mga “open pipe” ay mga binagong tambutso na sadyang tinatanggalan ng silencer upang maglabas ng napakalakas at nakabubulahaw na tunog. Bukod sa perwisyong hatid nito sa publiko dahil sa ingay, labag din ito sa mga batas trapiko at environmental laws dahil sa dulot na polusyon sa hangin at panganib sa kaligtasan sa kalsada.
Sa nasabing programa, ginawaran din ng Certificates of Commendation ang mga hepe ng pulisya ng Norzagaray, Santa Maria, San Jose del Monte, Plaridel, at Pandi bilang pagkilala sa kanilang epektibong pagpapatupad ng anti-noise at clean air initiatives sa kani-kanilang nasasakupan.
Ayon sa pamunuan ng Bulacan PPO, ang hakbang na ito ay patunay ng kanilang layunin na supilin ang kriminalidad at tiyaking mapayapa at tahimik ang bawat komunidad sa lalawigan.
📷 Bulacan Police Provincial Office FB