Mahigit 8,900 tablet at 1,000 laptop, ipinamahagi sa Caloocan
Angelo Calixtro February 19, 2026 at 08:52 PM
CALOOCAN CITY — Pormal nang ipinamahagi ng Pamahalaang Lungsod sa Schools Division Office of Caloocan (SDO) ang mahigit 8,900 tablet, 1,000 laptop units, smart boards, at robotics equipment bilang bahagi ng pagpapaigting ng digitalization sa mga pampublikong paaralan sa lungsod.
Ayon sa pamahalaang lungsod, layunin ng pamamahagi na suportahan ang pagkatuto ng mga mag-aaral at palakasin ang makabagong paraan ng pagtuturo sa pamamagitan ng paggamit ng teknolohiya sa loob ng silid-aralan.
Inaasahang makatutulong ang mga kagamitang ito upang maging mas interaktibo at episyente ang pagtuturo ng mga guro, gayundin ang paglinang ng digital skills ng mga mag-aaral.
Nanawagan naman ang lokal na pamahalaan sa mga guro na pangalagaan at lubos na mapakinabangan ang mga bagong kagamitan upang higit pang mapataas ang antas ng edukasyon sa mga paaralan sa Caloocan.
📷 Along Malapitan FB