Malabon LGU, MMDA nagsagawa ng clean-up drive sa Brgy. Tonsuya
February 5, 2026 at 03:04 PM
MALABON — Nagsagawa ng malawakang clean-up drive ang Lokal na Pamahalaan ng Malabon katuwang ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Barangay Tonsuya bilang bahagi ng programang Bayanihan sa Barangay.
Pinangunahan ang aktibidad nina Malabon Mayor Jeannie Sandoval, MMDA Chairman Don Artes, at MMDA General Manager Nicolas Torre III, kasama ang mga kawani ng LGU, MMDA, at mga residente ng barangay.
Sa isang Facebook Live, ibinahagi ni Mayor Sandoval na layunin ng inisyatibo ang paglilinis ng mga estero sa Malabon upang maiwasan ang pagbaha at mapanatili ang kalinisan ng kapaligiran.
Dagdag pa niya, malaking tulong ang ganitong programa lalo na sa mga komunidad na madalas maapektuhan ng baradong daluyan ng tubig, at tiniyak na magkakaroon pa ng mga clean-up drive sa iba pang barangay ng lungsod.
Bukod sa paglilinis, nagsagawa rin ang MMDA ng caravan, seminar, at naghatid ng iba’t ibang serbisyo para sa mga residente bilang bahagi ng aktibidad.
Samantala, hinimok ni MMDA General Manager Nicolas Torre III ang publiko na makiisa sa pagpapanatili ng kalinisan ng mga estero at creek, at umaasang hindi na muling babalik ang basura matapos ang isinagawang clean-up drive.
📷 Mayor Jeannie Sandoval FB