Malabueños, maaaring magpa-chest X-ray at PPD test nang libre
Mike Lopez February 9, 2026 at 06:47 PM
MALABON — Isinagawa ngayong araw ang libreng chest X-ray para sa mga Malabueño na edad 15 pataas, kasabay ng libreng Tuberculin Skin Test (PPD) bilang bahagi ng programa laban sa Tuberculosis (TB) ng lokal na pamahalaan.
Ayon sa mga opisyal, ang PPD test ay isang simpleng pagsusuri kung saan ini-inject ang kaunting gamot sa balat upang matukoy kung ang isang tao ay may exposure o posibleng impeksyon ng TB, kahit wala pang nararamdamang sintomas.
Mahalaga ang pagsusuring ito para sa mga madalas makihalubilo, may mahinang resistensya, o nais tiyakin ang kaligtasan ng kanilang kalusugan.
Ayon sa pamahalaang lokal, ang maagang pagsusuri at kaalaman sa kalusugan ay mahalaga sa pagpapanatili ng isang malusog at ligtas na komunidad. Libre rin ang lahat ng serbisyo.
📷 Malabon City Government FB