Mas pinaigting na proteksyon at pangangalaga para sa migrant workers na residente ng Caloocan, isinulong
Angelo Calixtro February 11, 2026 at 02:58 PM
CALOOCAN CITY — Mas pinaigting ang proteksyon at pangangalaga para sa mga migrant workers at residente ng Caloocan matapos lagdaan ang isang Memorandum of Agreement sa pagitan ng Department of Migrant Workers (DMW), Department of Labor and Employment (DOLE), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Caloocan City Public Employment Service Department (PESD), at ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan.
Layunin ng kasunduan na pagtibayin ang mga programa at serbisyong magbibigay-proteksyon at magtataguyod sa kapakanan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) mula sa Caloocan, gayundin ng kanilang mga pamilya.
Nakapaloob sa MoA ang pagbuo at pagpapalakas ng mga inisyatiba para sa tulong-panghanapbuhay, skills training, at iba pang suporta na tutugon sa pangangailangan ng mga OFW—mula pre-departure hanggang sa kanilang pagbabalik sa bansa.
Bukod sa seguridad at proteksyon, binibigyang-diin din ng kasunduan ang paglikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho at kabuhayan para sa mga Caloocan resident, upang matiyak na may naghihintay na disenteng hanapbuhay para sa mga OFW sa kanilang reintegration sa lokal na komunidad.
📷 Along Malapitan FB