Mayor Isko Moreno nag-inspeksyon sa mga gasolinahan; nagbabala laban sa fuel price abuse
Angelo Calixtro March 12, 2026 at 04:21 PM
MAYNILA — Nagsagawa ng sorpresang inspeksyon si Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa ilang gasolinahan sa Santa Cruz noong Marso 12 para tiyaking sumusunod ang mga fuel retailer sa itinakdang price adjustments ng pamahalaan sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo.
Ayon kay Domagoso, layunin ng inspeksyon na maprotektahan ang mga konsyumer laban sa posibleng pang-aabuso sa presyo ng gasolina at diesel. Nagbabala rin siya sa mga negosyong maaaring magsamantala sa sitwasyon at hindi sumunod sa itinakdang patakaran ng pamahalaan hinggil sa tamang price adjustments.
“I will not allow abuse sa part at maapektuhan ang consumer,” pahayag ni Domagoso.
Dagdag pa ng alkalde, patuloy na babantayan ng pamahalaang lungsod ng Manila ang mga gasolinahan para matiyak na tama ang presyong ipinapatupad at walang magaganap na pananamantala laban sa publiko.
Umabot na sa mahigit ₱20 ang itinaas sa presyo ng diesel nitong nakaraang linggo dahil sa tumitinding tensyon at kaguluhan sa Middle East na nakakaapekto sa pandaigdigang suplay ng langis.
📷 Manila City Information Office FB