Mga pasilidad para sa SNED Learners sa Valenzuela, personal na ininspeksyon
Angelo Calixtro March 2, 2026 at 07:57 PM
Personal na bumisita ang mga opisyal ng pamahalaan na pinangunahan ni DepEd Secretary Sonny Angara sa Valenzuela City upang inspeksyunin ang mga pasilidad pang-edukasyon para sa mga mag-aaral, kabilang ang Malinta Elementary School at ang Valenzuela Special Education Center na itinayo ng pamahalaang lungsod para sa Special Needs Education (SNED) learners.
Sa pagbisita sa Valenzuela SPED Center, itinampok ang kuwento ni Richie Juan, isang nagtapos sa nasabing institusyon na ngayon ay nagsisilbing Cafeteria Manager ng center.
Ayon sa mga opisyal, patunay ang kanyang tagumpay na sa pamamagitan ng sapat na suporta, maayos na pasilidad, at malinaw na direksyon sa sektor ng edukasyon, kayang maging produktibo at matagumpay na bahagi ng lipunan ang mga SNED learners.
Bukod dito, sinuri rin ang itinatayong bagong gusali ng Valenzuela Schools Division Office, na layong magbigay ng mas maayos at makabagong learning environment para sa mga guro at mag-aaral. Inilarawan ito bilang bahagi ng patuloy na pamumuhunan ng lokal na pamahalaan sa edukasyon, katuwang ang pambansang pamahalaan.
Ang mga pagbisitang ito ay isinagawa alinsunod sa direktiba ni President Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking napapangalagaan ang kapakanan ng mga guro at napapahusay ang kalidad ng edukasyon sa buong bansa.
Ayon sa mga opisyal, mahalaga ang direktang pagpunta sa mga komunidad upang mas maunawaan ang pangangailangan ng mga paaralan at agarang matugunan ang mga ito.
š· Sonny Angara FB