200 graduating students sa Malabon lumahok sa Labor Education Program
Angelo Calixtro March 6, 2026 at 06:33 PM
MALABON CITY — Mas matibay na kaalaman at mas malinaw na direksyon ang baon ng 200 graduating students mula sa College of St. Amatiel matapos silang lumahok sa isinagawang Labor Education Program na naglalayong ihanda ang mga kabataan sa pagpasok sa mundo ng paggawa.
Pinangunahan ang programa ng Public Employment Service Office (PESO)–Malabon sa pamumuno ni OIC-PESO Luziel Gutierrez, katuwang ang Department of Migrant Workers (DMW) at ang Department of Labor and Employment (DOLE)–CAMANAVA.
Sa isinagawang talakayan, ibinahagi ng PESO-Malabon ang iba’t ibang serbisyong pang-empleyo ng pamahalaan at nagbigay ng gabay sa mga mag-aaral tungkol sa paghahanda sa job application, kabilang ang mga mahahalagang hakbang sa paghahanap ng trabaho.
Samantala, tinalakay naman ng DOLE-CAMANAVA ang mga karapatan at benepisyo ng mga manggagawa upang matiyak na may sapat na kaalaman ang mga kabataan sa kanilang mga karapatan sa oras na sila ay pumasok na sa trabaho.
Nagbigay rin ng paalala ang Department of Migrant Workers hinggil sa ligtas at legal na pag-aabroad, kabilang ang mga paraan upang makaiwas sa illegal recruitment at iba pang panganib na maaaring maranasan ng mga nagnanais magtrabaho sa ibang bansa.
Ayon sa pamahalaang lungsod, bahagi ang nasabing programa ng patuloy na pagsisikap na mapalakas ang kaalaman at kahandaan ng kabataang Malabueño sa paghahanapbuhay, sa tulong ng suporta at inisyatibo ni Mayor Jeannie Sandoval.
Sa pamamagitan ng ganitong mga programa, layunin ng lokal na pamahalaan na matiyak na ang mga kabataan ay hindi lamang nagtatapos na may diploma, kundi may sapat ding kaalaman at gabay upang makapagsimula ng ligtas, legal, at marangal na landas sa mundo ng trabaho.
📷 Malabon City Government FB