Mga programang tulong para sa Malabueño, tampok sa flag ceremony sa Malabon City Hall
Angelo Calixtro March 9, 2026 at 06:20 PM
MALABON CITY — Binigyang-pagkilala ni Vice Mayor Edward Nolasco ang mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon para sa kanilang patuloy at tapat na paglilingkod sa mga Malabueño sa ginanap na lingguhang flag ceremony sa City Hall.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Nolasco ang mga empleyado ng lungsod sa kanilang dedikasyon sa serbisyo publiko. Binati rin niya ang mga kawani na magdiriwang ng kanilang kaarawan ngayong buwan, kabilang na ang kanyang sarili, bilang pagkilala sa kanilang kontribusyon sa pamahalaang lungsod.
Pinangunahan naman ng Community Urban and Poor Affairs Office (CUPAO), sa pamumuno ni Officer-in-Charge Marcel Unating, ang pagbabahagi ng mga programang tulong na maaaring mapakinabangan ng mga residente.
Kabilang sa mga serbisyong inilahad ang pagbibigay ng Meralco at Maynilad certification para sa mga Informal Settler Families (ISF), gayundin ang hospitalization at burial assistance para sa mga miyembro ng special task force.
Ayon sa CUPAO, patuloy ring tumatanggap ng aplikasyon para sa housing program ang tanggapan para sa mga ISF na naninirahan sa waterways at danger zones na naitala sa census noong 2011 at 2014.
Maaaring magtungo ang mga interesadong residente sa tanggapan ng CUPAO sa 9th Floor ng Malabon City Hall.
Isinusulong ang mga programang ito sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Jeannie Sandoval bilang bahagi ng layunin ng lungsod na matulungan ang mga Malabueño tungo sa mas ligtas at maayos na pamumuhay.
📷 Malabon City Government